

SENIOR CARE
Lola, 90-anyos at may Parkinson’s, inspirasyon ng marami nang lumaban sa weightlifting

2/4/25, 5:21 AM
TAIPEI, Taiwan - Malaki ang paniwala ng Taiwanese government na marami pang mga senior citizens sa bansa ang susunod sa mga yapak ni Cheng Chen Chin Mei, isang 90 anyos na lola na lumaban sa weightlifting competition sa Taipei noong Disyembre.
Bagamat may Parkinson’s disease, sumali si Cheng Chen sa kumpetisyon para sa mga higit pa sa 70 anyos na senior citizens na ginanap sa Taipei.
Inaasahan ng Department of Social Welfare na dahil sa pagsali ni Cheng Chen sa sports competition, marami pang mga nakatatanda ang susunod sa ehemplong ipinakita niya.
“I hope more old people will be more active in sports. One does not need to push hard to become health,” sinabi ni Cheng Chen.
Sa weightlifting challenge, bumuhat si Cheng Chen ng barbel na may 35, 40 at 45 kilograms.
Nagsaya ang mga manonood nang masaksihan ang ginawa ng lola.
Todo suporta ang Department of Social Welfare sa mga sports activities na magbibigay inspirasyon sa mga senior citizens na mag-ehersisyo.
Ang mga opisyal ng kumpetisyon na naganap noong Disyembre, 2024 ay umaasa na makakatulong ang kanilang proyekto upang mapangalagaan ang kalusugan ng “ageing population” ng bansa.
Malapit nang makamit ng Taiwan ang maging “super aged society” kung saan 21 porsiyento ng populasyon ng bansa ay may edad na 65 at pataas.
Kalat sa isla ang 288 fitness clubs para sa mga elderly citizens at inaasahan darami pa ang mga ito sa darating na limang taon.