top of page
Screenshot_2024-09-08_193102-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220233-removebg-preview.png
Screenshot_2024-09-08_220244-removebg-preview.png
  • Facebook
  • X
  • Instagram

SENIOR CARE

Pagbinbin ng Universal Pension for Senior Citizens sa Senado hindi makatarungan - Aquino-Magsaysay

12/16/24, 7:23 AM

Ni Ralph Cedric Rosario

Hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si United Senior Citizens Partylist Rep. Mila Aquino-Magsaysay na maisabatas ang Universal Social Pension for Senior Citizens (USPSC) na nagtatakda ng PHP500 buwanang ayuda para sa mga nakatatandang Pilipino.

“Hindi magiging makatarungan para sa mga Pilipinong senior citizens na patuloy ibinbin sa Senado ang universal social pension bill,” diin ni Aquino-Magsaysay sa pakikipagpulong sa pamunuan ng Federation of Senior Citizens Associations of the Philippines-NCR (FSCAP-NCR) kamakailan laman.

Idiniin ni Aquino-Magsaysay na patuloy siyang naglo-lobby sa Senado upang desisyunan na ang bill na ini-akda niya at ng iba pang mga kongresista.

Patuloy pa rin nakabinbin sa Senate Committee on Social Justice, Welfare and Rural Development ang USPSC) bill na ipinasa ng Mababang Kapulungan noon pang Mayo 21.

Bagamat mayroon nang isa pa na katulad na bill sa komiteng pinamumunuan ni Sen. Imee Marcos noon pang simula ng 19th Congress, wala pang ginawang kilos ang nakatatandang kapatid ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang aksyunan ang mga panukala.

Lumalabas na dalawa na ang inuupuang USPSC bills ni Marcos - ang inaprubahang bersyon ng Lower House at ang matagal nang naisampang bill ni Sen. Risa Hontiveros.

"Inisa-isa ko nang pakiusapan ang mga senador upang gumawa na sana sila ng desisyon sa Universal Social Pension. Marami sa kanila ang suportado sa panukalang batas,” ayon kay Aquino-Magsaysay.

Kasama si Senate Majority Leader Francis Tolentino sa mga nagpahiwatig ng suporta sa bill, diin ng kongresista.

Ngunit malungkot din na ibinalita ng kongresista na wala rin magagawa sina Tolentino at mga sumusuporta sa bill kung patuloy na uupuan ni Marcos ang USPSC.

“Nalalapit nang matapos ang 19th Congress kaya bukod sa pagmamakaawa sa Senado, ipinagdarasal ko rin na sana magkaroon agad ng kilos ang komite ni Senador Marcos,” pahayag ng United Seniors representative sa FSCAP-NCR na pinangungunahan ni dating Quezon City Councilor Jorge Banal.

Ayon pa sa kanya, kung sakaling hindi na maipasa ang bill sa Senado, back to zero ang USPSC ito sa Kamara sa darating na 20th Congress.

“Kung ganito ang mangyayari, makaaasa ang mga senior citizens na ire-refile ko ang bill sakaling palarin akong makabalik sa susunod na Kongreso,” sinabi ni Aquino-Magsaysay.

Comments

Fikirlerinizi Paylaşınİlk yorumu siz yazın.
bottom of page